Tuesday, August 17, 2010

Salamin, salamin! Sabihin sa akin!

Isa sa mga pinakakainisan kong bagay sa mundo ay ang salamin. Bakit kamo? Eh kasi isa itong malaking pagpapaalala sa mukha ko! Buti sana kung may naaaninag akong konting kagwapuhan sa tuwing nananalamin pagkatapos maligo. Oo, tuwing pagkatapos lang maligo kung manalamin ako. Kainis!


Pero kung tutuusin ang salamin ang pinaka-sandata ng mga tao laban sa kapangitan. Ito kasi ang walang kasinungalingang bagay. Ang bagay na magsasabi sa iyo ng totoo mong itsura. Maliban na lang kung bulag o di kaya'y nagbubulag-bulagan ka. Ito rin ang nagsusumigaw sa tuwing may makikita kang dumi sa mukha o sa katawan mo. Ito lamang din ang makapagsasabi sa 'yo ng walang pag-iimbot kung ang suot-suot mo'y hindi bagay sa 'yo. Hamakin mong dahil sa salamin naisasaayos mo ang tabingi mong make-up. O kaya naman ay ang magulo mong buhok. Ang salamin ang unang makapagsasabi sa 'yo na may mali sa iyo.


At kahit anong deny mo sa salamin, wala kang maitatago dito. Pwede mong takpan ang bahaging di mo gusto pero pag nasilip na ito ng salamin, wala kang magagawa kundi tanggapin ang katotohanang may ayaw ka sa kung saan mang bahagi ng katawan mo. Pero namamanipula din ang salamin lalo na ng mga gumagawa nito. Kaya kasi nitong i-bend ang katotohan. Kaya nitong palakihin ang bahaging maliit o di kaya'y paliitin ang malaki. Minsan naman may mga salaming sadyang nababaluktot ang tuwid. May mga salamin din kayang baguhin ang kulay. Meron ding kayang paghati-hatiin ang katoohanan. Eto yung mga salaming kung hindi maganda ang pagkakagawa, eh sinadyang gawin para dayain ang mata o kaya simpleng gawing palamuti lamang. Gayunpaman, nire-reflect lang nito ang kung ano mang nasasagap na liwanag.


Pansinin mo, kapag walang liwanag, wala ka ding makikita sa salamin. Nagkakaroon lang ito ng silbi kung maliwanag sapagkat kelangan nya ang liwanag para merong syang maipakita. Samakatwid, walang salamin kapag walang liwanag.


Naalala ko tuloy si Boy Abunda. Mahilig sya noon sa salamin. Pinapakausap nya mga interviewee nya dito. Siguro gusto nyang harapin nila ang sarili nila para matauhan. Para makita ang katotohanan sa kanilang sarili. Para maipamukha ng salamin ang mga bagay na ayaw nilang harapin. Para matauhan sila na ang katapat nating lahat ay isang kapirasong salamin na hindi marunong magsinungaling.


Sa tingin ko nga, salamin talaga ang pambansang best friend kasi hindi na sinungaling hindi pa pinagpipilitan na sya ang tama at totoo. Ipapakita nya ang ang lahat ng totoo. Ikaw na bahala kung tititigan mo ito o ipagwawalang bahala.

No comments:

Post a Comment