Tuesday, July 17, 2012

Siya na (ata) Ang Huli






Dali-dali akong bumyahe papunta sa isang kapehan kung saan s'ya naghihintay sa 'kin. Hindi ako sanay na nauuna s'ya kapag nagkikita kami kasi ako ang laging excited sa mga lakad namin. 




'Di ko kasi namalayan ang oras habang nakipagkwentuhan ako sa isa sa mga kaibigan ko noong hayskul. Halos isang taon na rin kasi kaming hindi nagkita kaya andaming kwento kahit na hindi naman 'yun tungkol sa sarili naming buhay. Pero natuwa ako kasi halos wala s'yang pinagbago. Makwento pa din.




Nakababa na 'ko ng taxi nang mabasa ko ang text n'ya. Napabilis tuloy ang mga hakbang ko papunta sa tagpuan namin. 'Di ko alam kung ano ba talaga pag-uusapan namin kasi unang beses ngayon na inaya n'ya ko. Gusto kong isipin na magtatapat na s'ya ng nararamdaman n'ya sa 'kin. Ito ang isa sa mga pinaka-imposibleng hiling ko sa buhay. Ito na ata ang magiging huling hiling ko sa buhay... Na mahalin din n'ya 'ko tulad ng pagmamahal ko sa kanya.




Habang papalapit ako sa kapehang 'yun andaming naglaro sa isip ko. Bigla ko ulit naalala ang maamo n'yang mukha, 'yung mga labi n'ya na parang masarap halikan at ang mga wikang namumutawi sa bibig n'ya. Naalala kong muli yung una ko s'yang nakita. Napangiti na lang ako sa tuwa...




Hinanap ng mga mata ko ang isang larawan ng lalakeng nagpabago ng pananaw ko sa pag-ibig. Nagpalingat-lingat ako na animo'y naghahanap ng nawawalang anak... At napako na nga ang tingin ko sa nakatalikod na lalakeng iyon. Nang masilayan ko ang mukha n'ya para bang may kung anong liwanag ang namuo sa mga mata ko... Hindi ko pa rin maitanggi, ito ang taong mahal ko.




Nagbitiw s'ya ng ngiting halos ikatunaw ko. Mapupungay pa din ang mga nangungusap n'yang mata.




Ilang sandali pa'y narinig ko ulit ang musika sa mga katagang binigyang buhay ng kanyang boses. Napangiti na lang ako at ninamnam ang mga sandaling kasama ko s'ya.




Oo, alam n'ya ang nararamdaman ko para sa kanya pero alam ko rin na bingi pa din ang kanyang puso sa bawat tibok ng puso ko. Alam n'yang hindi pa rin nawawala ang pagmamahal ko sa kanya ngunit mas pinipili n'yang talikdan ito dahil may kung ano pa ring humihila sa kanya palayo sa bawat taong nagmamahal sa kanya. Ako naman ay pilit na pinapasinungalingan ang kung anumang bumabagabag sa kanya.




Sa kanyang pananaw ang relasyon ay isang kumplikadong bagay na hindi n'ya kayang panghawakan. Sabi n'ya hindi pa s'ya handa. Pero nakikita ko sa mga mata n'ya ang pait ng kahapon na paulit-ulit na nagpapaalala sa mga sakit na naranasan n'ya dahil minsan umibig din s'ya.




Hindi ko naman talaga s'ya masisisi... Marahil ang nakaraang iyon ang tuluyang nagwasak sa bawat piraso ng puso n'ya... Marahil hindi na n'ya kaya pang magmahal tulad ng pagmamahal n'ya sa nakalipas.




Ngunit dahil s'ya ang ang nagpatibok muli ng puso ko hahayaan ko s'ya... Tulad ng pagpakawala ko sa mga nakalipas, hahayaan ko s'yang lumipad sa kung saan man n'ya gustuhin...




Pero sa huling pagkakataon gusto ko s'yang makasama...

No comments:

Post a Comment