Ilang taon na rin ang nakalipas, kung kelan lugmok sa pag-ibig ang aking matalik na kaibigan, 'di ko napigilan ang sarili kong sabihin sa kanya ang umusbong na pagmamahal na 'di namin inakalang tutubo. Iyon din ang araw na isinuko ko ang pagkakaibigan namin hindi dahil sa gusto kong lumipas na ang nararamdaman ko para sa kanya kundi dahil di ko na kayang makita s'yang naghihirap. Sa tuwing tumutulo luha n'ya ay nalulusaw ang buo kong pagkatao. Wala akong magawa kundi panuorin s'yang naghihirap, sirain ang sariling n'ya at halos mabaliw dahil sa isang lalake.
Pero nagmakaawa s'yang 'wag ko s'yang iwanan. Pumayag ako kahit na alam kong dodoble ang sakit na mararamdaman ko. Di ako nagkamali. Habang umaahon s'ya patuloy ang pangungulila ko sa kanya. Di naman s'ya nawala at mas lalo kaming naging malapit sa isa't isa. Ngunit sa kabila nito ay ang pait na unti-unting dumudurog sa puso ko dahil alam nitong walang patutunguhan ang kung anumang namuong pagmamahal.
Oras, araw, buwan ang lumipas. Di ko akalain na lilipas din 'yun. Gumaan lahat. Naging kumportable ako sa kanya hanggang sa dumating ang lalakeng nagbago ng lahat...
Nakilala ko s'ya sa pamamagitan ng isa ko ding kaibigan. Sa di ko mawaring dahilan ay parang nakakita ako ng anghel na pinadala mula sa langit. Doon ko napagtanto na s'ya ang katuparan ng matagal ko nang hiling. Ang taong magpapaalala sa akin na ang mundo ay puno ng kabutihan. Noong sandaling nasilayan ko s'ya ay mga sandaling di ko na malilimutan kailanman. Inakala ko na gusto ko lang s'ya pero mas malalim pa pala ang lahat.
Oo, niligawan ko s'ya... Naging maganda pakikitungo n'ya sa akin... Binigyan n'ya ko ng pagkakataong maipamalas ang pagmamahal ko pero sumuko ulit ako. Sa pagkakataong ito ay dahil mahal ko s'ya at ayoko s'yang masaktan. Akala ko noon magiging maganda na lahat dahil sa pagmamahal ko pero ang nag-iisang bagay na dahilan kung bakit takot akong magmahal ay muling nanumbalik. Bawal akong magmahal ng hindi ko katulad, ng malinis na tulad n'ya.
'Di kalaunan ay naipakilala ko s'ya sa bestfriend ko... Mahal ko ang bestfriend ko higit pa sa kung sinumang kaibigan n'ya. Mahal ko s'ya bilang kapatid. At ngayon nais kong mahalin din n'ya ang taong minamahal ko dahil nakita ko sa kanilang dalawa ang posibilidad ng kaligayahan na hindi ako ang makakapagbigay... Magiging masaya ako para sa kanila sa kabila ng pighating hatid nito...
No comments:
Post a Comment