Monday, September 6, 2010

Itim


Pasakay na sya ng motorela (isang klase ng sasakyan na pinapatakbo ng motorsiklo) nang sumalubong sa kanya ang wari'y hilaw na bati ng mga ka-baranggay. Napaisip sya kung bakit parang may kakaiba sa mga ito ngunit dahil mas iniisip nya ang patimpalak na gaganapin sa Lunes, hindi na nya ininda ang mga ito. Mataas ang hangad nya na mapasama sa mga pinakamagagaling sa Matematika sa kanila syudad. Kakaunti lang kasi ang may lakas ng loob na suungin ang laban sa mga numero kung ikukumpara sa ibang asignatura sa mataas na paaralan.

Sinipa ng drayber ang pedal at biglang tumakbo ang makina ng motorsiklo. Naglabas ito ng usok na kumalat sa gilid ng sasakyan. Kasabay nito ay ang isang tanong na nagdulot ng pagtataka sa mukha nya, "Kamusta ka na?," sambit ng isang ale na noon lamang sya kinausap. "Okay naman po," inosente nyang sagot. Bakas sa ale ang pagtataka. "Di mo pa ba alam ang nangyari sa tatay mo?" kumunot ang nuo. Umiling lang sya na punong puno ng tanong. "Patay na tatay mo." Mahina at malungkot na sambit ng ale.

Unang pumasok sa utak ng binatilyo ang posibleng biro ng ale. Pilit nyang iwinawaglit sa isip ang nasagap na balita sa gitna ng byahe. Lumipad ang kanyang isip sa kung saan. Gumaan ang kanyang katawan ngunit unti-unting bumibigat ang kanyang ulo. Ibinababa nito ang kanyanng buong pagkatao pabalik sa katotohanan ng buhay. Mga kalahating oras ding binaybay ng sasakyan patungo sa bahay na tinutuluyan ng pamilya ng binatilyo. Ngunit ang paglalakbay na iyon ay waring isang dekada ng lahat ng alaalang bumalot sa isipan nya.

Ang kanyang ina ay tulala, namumugto ang mga mata dala ng labis na pagluha. Madaming tao sa bahay. Noon lang sinakop ng mga kapitbahay ang antigo at walang lamang bahay na iyon. Nakakapanibago. Nakakasakal ang dami ng tao. Tila wala nang natirang hangin sa loob ng bahay.

Hindi naging madamdamin ang kanyang pagdungaw sa bangkay ng kinilala n'yang ama. Walang luha. Walang hagulgol. Ni walang kaunting iyak na namutawi sa kanyang bibig. Isang di maipaliwanag na tingin lamang ang kanyang naibigay sa amang hindi nya nakilala nang lubos at hindi sya kilala.

Isa lamang ang nasabi nya sa kanyang ama, "Sayang di mo na mararanasan ang inaasam mong maginhawang buhay. Sayang dahil hindi ko na maipapakilala ang tunay na ako pero sana maintindihan mong di ko sinasadya ang maging ganito."

No comments:

Post a Comment